Natagpuang naka-plastic ang isang fetus sa isang tambak ng basura sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila, na tinatayang nasa lima hanggang anim na buwang gulang.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing naglalakad si Domingo Dizon noon nang mamataan niya ang fetus.

"Natanaw ko po sa may tabi ng basurahan, naka-plastic, nakabuyangyang na po siya, nakita ko po na fetus, kaya po binuhat ko po. Tapos tinanong ko po doon sa mga nag-a-ano doon kung saan po 'yung malapit na police station," saad ni Dizon.

Matapos nito, dinala ang fetus sa MPD Station 11.

Base sa imbestigasyon, walang  nakakita kung sino ang nag-iwan sa fetus. 

"Sana po hindi po niya ginawa 'yan dahil konsensiya niya 'yan," ayon pa kay Dizon.

Nasa punerarya na ngayon ang fetus matapos mag-imbestiga ng mga awtoridad. —Jamil Santos/LBG, GMA News