Pagaaralan ng mga awtoridad ang na-hulicam na pagtatalo ng isang UV Express driver at mga traffic enforcer ng Makati Public Safety Department na pumara sa kanya sa may Ayala Avenue sa Makati City.

Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa "24 Oras" nitong Huwebes, tiniketan si Rommel Sincero dahil umano sa "illegal terminal"  kahit hindi pa ito nakakalayo sa loading area.

Inireklamo rin ng driver na hiningi muna ng mga awtoridad ang kanyang lisensya bago pa sinabihan kung ano ang kanyang violation.

Nang makita ng MPDS ang video, ipapatawag daw nila ang mga opisyal. Paliwanag ni Erik Bautista, ang OIC ng MPSD: "Once you apprehend, automatically, you have to tell the driver kung ano a'yung violations siya. I-e-explain mo lahat before you get the license."

Titignan din daw ng MPSD ang ruta at prankisa ng UV Express.

Sa video, makikitang tinatanggi ni Sincero ang paratang ng isang enforcer na nagsakay siya ng pasahero sa sinasabi nilang no-loading area.

"Na sa tamang lugar po ako. Doon ako nagsakay sa loading area," giit ng driver.

Maya't maya, iginiit ng isa pang enforcer na may barker daw ang UV Express at ginawa nila umanong terminal ang lugar. Itinanggi rin ito ni Sincero.

Maririnig na namagitan na ang ilan sa mga pasahero sa at sinabing may problema sa paninita nila sa driver.

Giit ng isang babae: "(Kung) bawal sumakay dito sir, sa'n kami sasakay?...Sa'n niyo kami papasakayin? Sa unloading po ba?"

Sa video, makikitang naglabas rin ng cellphone ang isang enforcer at kinuhanan ng video ang driver. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News