Nahaharap sa reklamo ang isang pulis matapos niya umanong sapakin ang isang barangay tanod sa Malate nitong Huwebes ng gabi, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita.

Reklamong physical injury ang isinampa laban kay PO1 Ariel Villapaña, na naglabas pa raw ng baril bagama't hindi naman niya tinutukan ang biktima.

Nagsimula umano ang alitan nang patagayin ang biktima ng kapatid ni Villapaña.

"Pagtagay ko, sinabihan ako ng kuya niya, 'Adik ka ba?' E di sinabi ko sa kanya, sa kapatid niya, kay Chris…. Chris hindi ako adik.’ Sigarilyo nga hindi ako marunong," anang biktima.

“Ayun, ang sagot niya ho, 'Sinong minumura mo?' Sagot ng nanay niya, 'Yung adik.' Pagtapos nun pumasok na po ako sa looban," dagdag niya.

Nang lumabas ang tanod para bumili ng beer, dito na siya kinumpronta ng pulis.

Sa kuha ng CCTV, makikitang tinulak ng pulis ang tanod, na napaluhod at napaatras.

Wala si Villapaña sa kanilang bahay nang puntahan ng GMA News para hingin ang kanyang panig. Dinepensahan naman siya ng kanyang inang si Lina Villapaña, na nagsabing inambahan daw ng tanod ng bote ang kanyang anak kaya ito sinapak.

Iniimbestigahan na ngayon ng Manila Police District ang insidente. —Joviland Rita/KBK, GMA News