Matapos na maghain ng certificate of candidacy (COC) ang mga kakandidato sa 2019 midterm elections, inanunsyo naman nitong Biyernes ang mga organisasyon na makakasama ng GMA Network sa paghahatid ng mga impormasyon sa gaganaping halalan.

Isinagawa sa GMA Network Center sa Quezon City sa pangunguna ni GMA Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon ang pirmahan ng Eleksyon 2019 Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang mga partners mula sa media, telecommunications, technology, academe, business and public service sectors.

"The pace of information is quicker than ever. New ways to share facts and ideas continue to emerge. While this may be a good thing, many believe, however, that this has also helped blur the line between truth and lies. In the face of this reality, our commitment to the truth is unwavering," saad ni Atty. Gozon.

Binigyan-diin niya ang kahalagahan na ihatid sa publiko ang mga tunay na balita kaugnay sa halalan sa harap ng paglipana ngayon ng mga maling impormasyon.

"Sama-sama nating 'Pusuan ang Totoo,'" ayon pa kay Atty. Gozon.

Iginiit din niya ang kahalagahan ng magsasanib-puwersa ng iba't ibang organisasyon at grupo para sa mas mahusay na pagsubaybay at paghahatid ng tamang mga balita at impormasyon kaugnay sa halalan.

"Walang isang organization, no matter how big, can cover everything... dahil itong eleksyon ay napakalaki, it's all over the Philippines. So kahit na gaano ka kalaki, you cannot cover anything. We need the cooperation," paliwanag niya.

Nagsilbing host sa paglulunsad ng "Eleksyon 2019: Pusuan ang Totoo" sina Vicky Morales at Mike Enriquez.

Ito ang unang pagkakataon na nagpakita sa publiko si Enriquez matapos sumailalim sa heart bypass operation noong Setyembre.

Kasama nina Atty. Gozon at GMA's President and COO Gilberto R. Duavit, Jr. sa pirmahan ng MOA ang mga pinuno ng iba't ibang sangay ng Kapuso station tulad ng GMA News TV, GMA New Media Inc. (NMI), GMA Radio (RGMA,  DZBB and WLS-FM), GMA Regional TV, GMA News Online, GMA News and Public Affairs Social Media, GMA Pinoy TV, GMA Life TV, GMA News TV International, at GMA Kapuso Foundation.

Magiging kabahagi rin ng GMA's Eleksyon 2019 coverage ang Commission on Elections (COMELEC), telecommunications giant PLDT-Smart Communications, leading media organizations Philippine Daily Inquirer (PDI), Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), Inquirer.net at Catholic Media Network (CMN), election watchdogs Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at National Citizens' Movement for Free Elections (NAMFREL).

Kasangga rin sa Eleksyon 2019 ang mga nangungunang unibersidad sa bansa na: University of the Philippines (UP); Polytechnic University of the Philippines (PUP); Ateneo de Manila University (ADMU); De La Salle University (DLSU); University of Santo Tomas (UST); at AMA Education System.

Sa unang pagkakataon, magiging kabahagi at katuwang ng GMA bilang regional school partners sa Luzon, Visayas at Mindanao ang ang mga unibersidad na: PHINMA-University of Pangasinan sa North Central Luzon; University of San Carlos in Cebu City; Silliman University sa Dumaguete City; West Visayas State University sa Iloilo City; Central Mindanao University sa Bukidnon; Capitol University sa Cagayan de Oro City; at Holy Cross of Davao College sa Davao City.

Kasama rin ang Philippine Entertainment Portal (PEP); Philippine Bar Association (PBA); Integrated Bar of the Philippines (IBP); at Chamber of Commerce of the Philippine Islands (CCPI).

Kabahagi rin sa digital coverage ang video-sharing platform YouTube at social media platform Twitter.

Ikinatuwa ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang partnership sa GMA Network na layunin din na matulungan ang publiko sa mahusay na pagpili ng kanilang mga iboboto at malabanan ang mga lalabas na maling impormasyon sa panahon ng kampanya at halalan.

"Natutuwa po ang Commission on Election, ang aming Chairman at mga Commissioners na kami ay naanyayahan ninyo na magkapit-bisig para sa eleksyon ng 2019. Masaya po lagi ang eleksyon ng Pilipinas pero sa ngayong eleksyon po, marami ding challenges lalo na sa voter education," sabi ng opisyal.

"Isa pa pong dapat pagtulangan aside sa accurate and timely information for our voters ay labanan po natin ang fake news, kasi pati po ang Comelec, napi-fake news din. So, if we do not have truthful facts, there is no way our voters differentiate good candidates and bad candidates," saad ni Guanzon. — FRJ, GMA News