Isinusulong sa Quezon City ang isang panukalang ordinansa na magbibigay sa mga solo parent ng 20 percent discount sa mga restaurant at iba pang establisimiyento.

Ayon sa ulat ni Athena Imperial sa “24 Oras”, ang diskwento ay mapapakinabangan ng mga registered solo parents sa mga kainan sa lungsod tuwing unang linggo at huling linggo ng buwan.

Kasama rito ang mga cafeteria, ice cream at refreshment parlor, karinderya, fast food chain at snack center.

Ituturing na solo parent ang magulang na legally separated, annulled ang kasal, iniwan ng asawa or kahit iyong mga hindi kahit kasal basta nasa pangangalaga niya ang mga bata at mag-isa niyang itinataguyod ito.

Kasama rin sa pribelihyo ng solo parent ang mga namatayan ng asawa at may asawang nakakulong at may mental incapacity.

Solo parent din ang sinumang tumatayong head of the family at sumusuporta sa mga bata dahil sa pagkamatay o sa matagal na pagkawala ng tunay na magulang ng mga bata.

Ang nagkaanak dahil sa panggagahasa o anumang crime against chastity ay ituturing rin na solo parent.

Umaasa si Jonalyn Onas, single mom sa nakaraang 15 taon, na maipapatupad agad ang panukalang ito lalo na't mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Sa kagaya namin na siyempre, minsan, sapat lang naman yung pera namin di ba? So at least kapag lumabas kami... kapag may mga discount, kahit paano 'yung pera namin na sosobra, maitatabi pa namin,” ani Onas.

“Ang hirap mag-budget, lalo ngayon,” dagdag pa niya. —Llanesca T. Panti/NB, GMA News