Nagbigay na nang pahayag ang gobyerno ng Saudi Arabia na nanlaban umano ang mamahayag na si Jamal Khashoggi  sa loob ng konsulado na naging sanhi raw ng kanyang pagkamatay.

Ito ang unang beses na inamin ng Saudi Arabia na patay na ang napaulat na nawawalang mamahayag.

Dalawang linggo nang nawawala si Khashoggi pagkatapos pumasok sa konsulado ng Saudi Arabia sa Istanbul, Turkey upang mag-asikaso ng mga dokumento para sa kasal nila ng kanyang nobya.

Kilalang kritiko ng Saudi Arabia si Khashoggi.

Nagsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Turkey. Ayon sa Anadolu, na pahayagan sa Turkey, may nakapanayam na na mga testigo—20 empleyado ng konsulado at 25 na iba pa, kasama na ang mga dayuhan—ukol dito.

Ipinangako naman ng Amerika na tututukan nila ang mga imbestigasyon sa insidente, ayon kay Sarah Sanders na tagapagsalita ng White House. —Joviland Rita/KG, GMA News