Sugatan ang isang lalaki matapos mauwi sa pamamaril ang masaya sanang selebrasyon ng kaniyang kaarawan sa Intramuros, Manila.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Greg Fuentes.

Kuwento ng pamangkin ng biktima, nagkakasiyahan sila nang biglang dumating ang kapitbahay na si Jun Bandong at bigla na lamang sinapak si Fuentes at pinagbabaril ang bahay nito.

Dito na natamaan ang daliri ng biktima.

"Biglang ayun nga may putok na kaming nadinig, ang dami... sunod-sunod. Siyempre natakot kami kung ano nga 'yung nangyayari sa labas, nalaman namin na 'yung tito ko 'yung pinagbabaril," anang pamangkin ng biktima.

Paliwanag naman ni Bandong, si Fuentes raw ang nauna at gumanti lamang daw siya ng pamamaril.

Giit niya, gusto lamang daw niyang pahinaan ang pagbi-videoke nina Fuentes at mga kainuman nito dahil may sakit ang kaniyang asawa.

"Ang pinag-ugatan ng lahat 'yung pagbi-videoke nila sa labas, 'yung pag-iinuman sa labas ng kalsada. Ngayon may sakit 'yung misis ko, makiusap sana ko na pahinaan 'yung sounds, eh minasama nila," sabi ni Bandong.

Bukas naman sa pakikipag-areglo si Bandong subalit pinag-aaralan din niya kung magsasampa siya ng reklamo.

Nakatakda namang operahan sa daliri si Fuentes. —Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News