Inaresto ng mga awtoridad ang apat na suspek na inabutang gumagamit umano ng shabu sa isang bahay sa Quezon City nitong Lunes.

Nakilala ang mga suspek na sina Erwin Balleras, ang may-ari ng bahay, MJ Alvarez, Idelberto Tud at Erwin Cabado, ayon sa ulat sa News To Go ni James Agustin.

 

 

Nakatanggap ng tip ang mga pulis mula sa isang concerned citizen na ang isang bahay sa Barangay Pasong Tamo ay ginagawa umanong drug den, at ang bayad ng kada gumagamit ng droga ay bente pesos.

Nagsagawa ng operasyon ang mga pulis bandang alas dos ng madaling araw.

Nakakalat pa sa lapag ang mga sachet ng hinihinalang ilegal na droga at drug paraphernalia.

Aminado si Balleras na pinapapuwestuhan niya ang bahay sa Barangay Pasong Tamo sa halagang bente pesos pero hindi raw siya nagbebenta ng shabu.

Ayon kay Mae Tagle, barangay kagawad, ilang beses na nahulihan ng droga ang nasabing lugar.

Itinanggi naman ng iba pang suspek na nahulihan sila ng droga at gumagamit sila nito.

Nakapiit sa kasalukuyan ang mga suspek sa Quezon City Police District Station 3.

Ayon sa QCPD, mahigit 800 pa ang kabilang sa drug watch list sa naturang barangay. —KG, GMA News