Arestado sa buy-bust operation sa harap ng Camp Crame sa Quezon City ang isang pulis-Pasay at isang gumagawa ng baril dahil sa iligal umanong pagbebenta ng armas.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Martes, kinilala ang naarestong pulis na si Police Officer 2 Jaid Awal Pingli, at
kasabwat niyang si Jose Delayre, isang "gunsmith."

Nakuha sa operasyon ang isang M4 at M16 rifle, at isang 9mm pistol.

Ayon sa mga awtoridad, hindi lang mga taga-Maynila ang suki ng mga suspek at may mga parokyano raw ang mga ito sa Ilocos at Cordillera.

"We were able to identify two politicians in Kalinga na napagbentahan nitong ating nahuling police officer," ayon kay Counter-Intelligence Task Force commander P/Sr. Supt. Romeo Caramat Jr.

Inamin ni Pingli na nangongomisyon siya sa pagbebenta ng armas pero malabo ang mga pahayag niya tungkol sa legalidad ng kaniyang mga transaksyon.

Sinabi naman ni Delayre na siya ang tagabuo ng mga ibinebenta nilang baril.

Iimbestigahan daw ng pulisya kung may mga parokyanong pulis ang mga nahuling suspek dahil mapangahas ang mga ito na makipagtransakyon sa tapat mismo ng Camp Crame.

Iniuugnay din ng pulisya si Pingli sa kilabot na Pingli Brothers ng Zamboanga Peninsula na sangkot umano sa kidnap for ransom activities, na mariin namang itinanggi ng pulis.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News