Dahil sa mga biyaheng hindi natuloy, umabot na sa P277 milyon ang naipong halaga ng terminal at travel tax na kasamang binayaran ng mga pasahero sa nabili nilang airline ticket, kabilang ang mga overseas Filipino worker.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na lumobo ang naturang halaga dahil sa dami ng mga hindi kumuha ng refund.

Paliwanag ng ilang pasahero na hindi natuloy sa biyahe, hindi nila kinukuha ang refund ng travel at terminal tax dahil hindi nila alam na puwede pala itong bawiin.

Gayunman, kailangan umanong makuha ang airline ticket na hindi nagamit para makuha ang refund.

Ang naipong refund ay nasa isang trust account umano ngayon ng MIAA at naghihintay lang na ma-refund ng mga pasahero, kasama ang mga OFW.

Pero dahil ang naipong pera ay remittance palang daw mula sa isang local airline at 18 international airline companies, posible pa umanong umabot sa P500 milyon ang kabuuang pera mula sa terminal fee na dapat maibalik sa mga pasahero.

Hindi pa raw kasama rito ang travel tax na sinisingil naman ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA.

"Tingnan ho ninyo ang records niyo, tingnan din po ang baol natin baka meron tayong tickets na hindi nagamit sayang ho. Ang travel tax P1,620, P550 ho sa amin, so sayang 'di ho 'yun 'pag pinag-ipon-ipon natin," sabi ni Ed Monreal, MIAA General Manager

Para sa mga OFW na hindi pa nakukuha ang kanilang refund, kailangan lang daw ipakita ang kanilang Overseas Employment Certificate o OEC para ma-refund and binayarang terminal fee.

Pero sa mga ordinaryong pasahero na hindi nakalipad, kailangang ipakita ang hindi nagamit na ticket.

"Kahit hindi po sila personal na makapunta, gumawa lang sila ng authorization tatanggapin po namin. At wala pong proscription, 'live' ho 'yan, anytime puwede nilang kunin," dagdag ni Monreal.-- FRJ, GMA News