Sa halip na maging kasambahay, paghuhubad sa cybersex den sa Hagonoy, Bulacan ang naging trabaho ng isang 17-anyos na dalagita.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing pinaghuhubad ng kaniyang amo si Anna, hindi niya tunay na pangalan, sa harap ng mga foreigner na naka-online.

"'Yung trabaho ko po 'yung nagsho-show po ako sa harap ng foreigner," saad ng biktima.

Sinabi ni Anna na napilitan lang siyang gawin ang malaswang live show dahil sa panggigipit umano ng mga amo mula sa kaniyang pagkakautang.

Ito'y dahil hiniram lang ni Anna ang pamasahe para makaluwas ng Maynila.

Bukod dito, kasama rin ng biktima ang tatlo pang lalaki.

"Masama po kasi 'yung ginawa nila sa akin eh, pinagmukha nila akong baboy."

Ngunit tumakas si Anna sa pamamagitan ng pagtalon sa gate saka tumakbo palayo, at dito siya nakita ng mga tauhan ng barangay.

Naiulat sa pulisya ang nangyari sa biktima kaya agad na sinalakay ang sinasabing bahay na cybersex den din umano.

"Naabutan namin 'yung silid na malinis na po, wala na pong ano mang bagay na may kinalaman sa cybersex," sabi ni Inspector Cantillio Anchetta, Hagonoy Police, Deputy for Operation.

Naaresto ang mga suspek, na mga tumanggi sa bintang.

"Hindi totoo 'yun, wala kaming alam sa sinasabi nila," saad ng babaeng suspek.

"Gawa-gawa niya lang 'yun," sabi naman ng lalaking suspek.

Nahaharap ang mga suspek sa illegal detention, human trafficking, at child abuse, ayon kay Anchetta. —NB, GMA News