Patay ang hinihinalang tulak sa isang drug operation matapos umanong manlaban sa pulis sa Bulacan, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita Miyerkules.

Nang matunugan ng suspek na si Roberto Macatangay alyas Bobet  na may paparating na pulis, bumunot daw ito ng baril at nagpaputok.

Gumanti ang mga pulis kay Macatangay na kaniyang ikinamatay, sabi sa ulat.

Sinalakay ng mga operatiba ang bahay ni Macatangay sa Barangay San Rafael II sa San Jose Del Monte City sa Bulacan matapos makumpirma ang bentahan ng droga  dito.

Matagal na raw sinusundan ng mga awtoridad si Macatangay, na pangatlo umano sa drug watchlist ng kanilang barangay.

“Mula noong nasa listahan siya ng BADAC (Barangay Anti-Drug Abuse Council) watchlist ay nagkaroon po tayo ng validation pa,” sabi ni Superintendent Orlando Castil Jr. ng San Jose Del Monte Police.

“And then nakita natin na hindi po talaga lumulubay itong suspect na ito. Kaya inilunsad na natin yung operation laban sa kanya,” dagdag pa niya.

Nakuha mula kay Macatangay ang apat na sachet ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng humigit kumulang P5,000, isang kalibre-.38 revolver, at ilang drug paraphernalia.

Mga kabataan din daw ang mga parokyano ng suspek na galing pa raw sa ibang barangay.

“Yung bahay po niya ay ginagawang pondohan. Parang may isang kwarto doon na yung mga parokyano niya ay doon na sila tumitira, doon sa loob mismo ng kwarto na yun. Yung iba dinidispose niya sa labas," sabi ni Castil.

Aminado naman ang San Jose Del Monte Police na hindi pa rin daw tuluyang nawawala ang problema sa droga ng lungsod.

“Medyo madami dami pa po kaming natatanggap na information na meron pa ding mga personalities na involved sa illegal drugs. Yun po ang binibigyan namin ng pansin,“ sabi ni Castil. — Joviland Rita/MDM, GMA News