Nauwi sa pisikalan ang una'y sigawan lang umano ng mga miyembro ng dalawang fraternity group sa University of the Philippines (UP) Diliman campus.

Ayon sa ulat ni JP Soriano sa GMA 24 Oras nitong Miyerkules, pasado alas singko y medya ng hapon noong Martes nagpang-abot sa Palma Hall ang hindi bababa sa 25 miyembro ng Upsilon Sigma Phi at Alpha Phi Beta (APB).

Natigil lang umano ang rambulan nang umawat ang security guard at UP Police.

Wala namang lubhang nasaktan sa insidente pero tatlong miyembro ng APB ang dinala sa UP Infirmary matapos magtamo ng mga pasa.

Hindi muna nagbigay ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng UP hangga't nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Kinumpirma at kinondena naman ng UP Law Student Government (LSG) ang insidente.

May kasunod na insidente pa umanong naitala sa pamantasan nitong Miyerkules kung saan isang SUV na pagmamay-ari ng myembro ng Upsilon ang hinarang ng isang kotse at pinagbabasag ang salamin gamit ang baseball bat.

"May mga niraradyo sa guard na may baril daw, basta may tungkol po sa baril so ang ginawa po ng college sinecure po 'yung entrance," ayon kay Chris Alquizalas, presidente ng UP LSG.

Itinanggi naman ng pamunuan ng UP na may nangyaring pamamaril.

Hinigpitan na ang seguridad sa pamantasan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa dalawang insidente.

Sa isang pahayag sinabi ng Upsilon na nagkaayos na sila ng APB kaugnay ng insidenteng nag-ugat daw sa hindi pagkakaintindihan ng ilan sa mga miyembro ng dalawang grupo.

"After a minor altercation, officials of the Upsilon Sigma Phi and the
Alpha Phi Beta have agreed to peace and conducting joint projects in the future...Alumni from both sides together with resident heads agreed to further positive talks," ayon kay Thad Liamzon, presidente ng Upsilon Sigma Phi Alumni Association.—Dona Magsino/ LDF, GMA News