Napaanak ang isang ginang sa loob ng isang police mobile nang hindi na makaabot sa ospital sa Mandaue City, ayon sa ulat ni Chona Carreon ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes.

Nakaramdam daw ng pananakit ng tiyan ang babaeng buntis na si Jacquelyn Branzuela.

Pumara siya ng taxi pero sinabihan umano siya ng taxi driver na sumakay ng ambulansiya o ng mobile patrol para mabilis na makarating sa ospital.

Habang bumabiyahe papuntang Oano Hospital sa Lapu-Lapu City, nailuwal na ng ginang ang kanyang babaeng sanggol.

Inasikaso muna nina Police Officer 1 Elmer Gonzales at non-uniform personnel na si Josie Tejano ang ginang at baby nito bago sila makarating sa ospital.

"Happy na nailabas nang buhay. Blessed talaga, ma’am. Blessed din ang station," sabi ni Tejano.

“Ang ganda ma’am. Ang ganda sa loob na nakatulong ka sa tao, lalo na kung batang nangangailangan ng tulong at lalabas na healthy ang bata," sabi naman ni Gonzales. —  MDM, GMA News