Kulong ulit ang isang lalaki na dating nabilanggo dahil sa kasong homicide matapos siyang masangkot sa pagbebenta umano ng droga sa Pasig City.


 

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang ginawang pagmamanman sa suspek na si Danny Sulat, dating tanod, sa Bolante Dos, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Sinubaybayan si Sulat dahil pinaghahanap siya bunga ng pagkakasangkot niya sa droga. Nang makakuha ng tiyempo ang mga awtoridad, kaagad siyang dinakip.

Inamin si Sulat na gumagamit siya noon ng droga pero matagal na raw siyang nagbago.

"Ang hirap nga po dahil hindi ka gumagamit, nadadamay ka kasi ang lugar namin, puro drugs talaga ang gumagana diyan," sabi ni Sulat na nakulong noon ng 12 taon sa New Bilibid Prison dahil sa kasong homicide.

Balot ang tatoo ang katawan ni Sulat na gawa ng kaniyang pagkakakulong. Pero giit niya, "Hindi lahat ng may tattoo, tarantado. Buhat nang lumaya ako, 'Di na ako sumasama sa mga kagagagwan na ganyan." -- FRJ, GMA News