Patay ang magtiyuhin sa Tondo, Maynila nang pagbabarilin ng naka-face mask na lalaki madaling-araw nitong Sabado.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa "Balitanghali" sinabing nag-iinuman ang biktimang magtiyuhin na kinilalang sina Leonardo Mondelo at ang pamangkin nitong sin Raffy Puntay.

Ayon sa ina ni Raffy, kararating lamang galing sa trabaho ng kaniyang anak at nagpunta sa tiyuhin niya.

At habang naiinuman biglang dumating ang isang lalaki pasado ala-una nang madaling-araw at pinagbabaril si Leonardo. Nadamay si Raffy nang yakapin niya ang kaniyang tiyuhin.

Rumesponde ang mga pulis sa natanggap na sumbong sa pamamaril sa Building 25 sa Aroma Compound, sa Tondo.

Nakasalubong nila ang isang lalaking naka-face mask at nang sinita umano nila, agad na bumunot ng baril at nakipagbarilan sa mga pulis.

Mayamaya pa, sumigaw umano ito na susuko na siya. At nang madala sa presinto, doon na naghinala ang mga pulis na siya ang suspek sa pamamaril sa Building 25, dahil sa nagtugma ang description ng mga saksi ukol sa isang lalaking naka-face mask na namaril.

Ayon sa mga pulis, kailangan pang magkaroon ng ballistic examination sa 9mm na baril na dala nang lalaking nagngangalang Jessie Crisostomo doon sa mga balang pumatay sa magtiyuhin. —LBG, GMA News