Inalis sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tatlong opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kinilala ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ang mga opisyal na inalis ni Duterte sa puwesto ay sina Undersecretary for Protective Operations and Programs Group Mae Ancheta-Templa, Undersecretary for Promotive Operations and Programs Group Maria Lourdes Turalde-Jarabe at Undersecretary for Disaster Response Management Group Hope Hervilla.

Paliwanag ni Medialdea nitong Lunes, ang naturang hakbang ay ginawa ng pangulo para bigyan ng pagkakataon ang bagong talagang kalihim ng DSWD na si Secretary Rolando Bautista, na bumuo ng sarili niyang grupo sa ahensiya.

Itinalaga si Bautista sa naturang puwesto noong nakaraang buwan lang bilang kapalit ni dating DSWD Sec. Judy Taguiwalo, na hindi nakalusot ang kompirmasyon sa Commission on Appointments noong nakaraang taon.

“We expect the new secretary to bring his own team to provide better services to the public,” sa pahayag ng opisyal.

Iginiit din ni Medialdea na hindi sinibak ang tatlong opisyal ng DSWD dahil sa pagkakaroon umano nila ng kaugnayan sa "makakaliwang" mga organisasyon.

“No. [It’s for the] formation of a good team,” paglilinaw ng opisyal.

Bago naitalaga sa puwesto, si Jarabe ay dating secretary general ng Gabriela Women’s Party, habang dating opisyal ng Bayan Muna party-list si Hervilla.

Si Templa ay naging bahagi ng social development work sa pamamagitan ng iba't ibang grupo at people’s organizations mula 1981.

Nananatili naman mga undersecretary sa DSWD sina Florita Villar (policy and plans), Camilo Gudmalin (support programs infrastructure management) at Luzviminda Ilagan (legislative liaison affairs and special presidential directives in Mindanao region).

Si Ilagan ay dating kinatawan ng Gabriela party-list group sa Kamara de Representantes.—  FRJ, GMA News