Isang Koreano na nag-aabang ng masasakyan ang nasugatan matapos mahagip ng UV Express na minamaneho umano ng lasing na lalaki sa Quezon City. Ang suspek, matapang pa raw at pumalag sa mga pulis nang arestuhin.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, kinilala ang inarestong driver na si Dennis Balucan, na nakita sa video na nagpupumiglas nang posasan ng mga rumespondeng pulis.

Sa isang pagkakataon, nagawa pang maitulak at maitumba ni Balucan ang isang pulis na nagpatupad naman ng maximum tolerance sa naturang sitwasyon.

Ilang sibilyan pa ang hinamon din niya ng suntukan.

Ayon sa mga awtoridad, dakong 2:30 am nang banggain ng UV express na minamaneho ni Balucan ang ilang sasakyan sa Timog Avenue sa Quezon City at mahagip ang isang Koreano na nag-aabang ng sasakyan.

Kinalaunan, natuklasan na hindi talaga si Balucan ang driver ng UV Express at sinubukan lang daw ng suspek na magpatakbo ng sasakyan.

"Sabi niya, 'tukayo pa-try nga pa-drive nga ako.' Ibinigay ko naman. Tapos nung ibinigay ko na hindi niya nakontrol yung silinyador," sabi ni Lucinero Elle, ang tunay na driver ng UV express.

Kuwento ng mga saksi, mabilis ang takbo ng UV express at bigla na lang nag-amok si Balucan.  Lasing din umano ang dalawa nitong kasama sa sasakyan.

"Alingasngas yung sagot niya eh, kung talaga ano mabubugbog siya. Kung ano-ano pinagsasagot niya, kung ano-ano pa pinagsasabi niya. Siya na nga itong nakabangga hindi pa siya umayos," sabi Romeo Ortega, liason officer ng Johdyan transport.
 
Katwiran naman ng suspek, nag-practice lang siya na magmaneho. Hindi rin daw ang mga pulis ang inaangasan niya kung hindi ang mga sibilyan na sumipa raw sa kaniya.

Ayon kay Police Officer 1 Mark Anthony Velasco ng Kamuning police station, pero hindi nila pinatulan ang suspek kahit pa nagwawala ito.

"Nagkaroon naman po ng maximum tolerance. Hindi po namin siya pinatulan. Siya po ang nag-amok sa amin halos tadyakan nung wala pa po kayo, siya po talaga nag-aamok ayaw niya makipag-cooperate sa amin," sabi ng pulis.

Mahaharap ang suspek sa patong-patong na reklamo.-- FRJ, GMA News