Nanuntok ng menor de edad at nanabunot ng buntis ang isang babae na hinihinalang nakadroga sa Quiapo, Manila, ayon sa ulat ni Marisol Abdurahman sa "24 Oras."

Sa video, mag-aalas onse ng gabi ng Linggo, makikitang naglalakad ang isang babae sa Barangay 306, Quiapo, Maynila.

Maya-maya, bigla niyang sinapak ang isang 17-anyos na dalagitang nakatambay sa harap ng tindahan.

Naglakad siya uli na parang walang nangyari.

Ilang saglit lang, isang buntis naman ang kanyang napagdiskitahan. Bigla na lang niya itong sinugod, sinampal at sinabunutan hanggang makaladkad na ang buntis.

Hinuli ng barangay ang salarin na kinilalang si Nemie Ramos na tila walang maalala sa kanyang ginawa.

“Di ko po matandaan. Di ko po alam," sagot niya nang tanungin tungkol sa insidente.

Droga raw ang sanhi ng inasal ni Nemie, ayon sa kanyang ina na si Nenita Ramos.

"Droga sa mga tropa, nawala sa hulog, naano 'yung utak," sabi niya.

Para magsampa ng reklamo, nagpunta ang mga biktima sa barangay, ang 17-anyos na dalagita, hawak-hawak pa ang namamagang pisngi na sinapak ni Ramos.

“Bibili siya sa tindahan sa kabila tapos nagulat na lang po ako, sinapak niya ako," kwento ng dalagita

Kwento naman ng ina ng dalagita, "Lumapit daw si Nemie sa kanila, tapos bigla na s'yang binanatan. Sinuntok… sa mukha."

Samantala, ang walong buwang buntis na si Jenalyn Romero na sariwa pa ang mga kalmot sa mukha, Iniinda ang sakit sa ulo at balakang matapos sabunutan at kaladkarin ni Ramos.

"Hawak ko po 'yung baby ko, bigla na lang pong paglingon ko po sa kanya, bigla na lang nya akong sinampal," kwento ni Romero.

"Pagsampal niya sa'kin sabi ko sa kanya, ba't ka nananakit? Tapos bigla na lang nya akong sinabunutan," dagdag niya.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nanakit ang suspek. Ayon mismo sa kanyang ina at sa record ng barangay, nakulong siya noong nakaraang taon matapos manaksak ng kanya ring kapitbahay noong 2016.

Sasampahan ng reklamong physical injury in relation to child abuse ang salarin.

"Dadalhin sa PCP 4 para ipakulong, ilalagay sa drug watchlist. So ‘pag nahuli ulit kung sakaling umamin siya, pwede siya ipa-rehab," sabi ng barangay chairman na si Joey Jamisola. —Joviland Rita/ LDF, GMA News