Nagkainitan ang dating PBA player na si Danny Ildefonso at isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos sitahin ng huli ang basketbolista sa Sampaloc, Maynila nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon sa ulat ng GMA News "Balita Pilipinas Ngayon," muntik pa umanong mauwi sa suntukan ang mainitang pagtatalo ng dalawa.

Sinita umano ng enforcer si Ildefonso, coach ngayon ng National University (NU) Bulldogs dahil sa iligal na pagparada sa tapat ng nabanggit na unibersidad.

Sabi ni Ildefonso, hinamon siya ng enforcer nang suntukan. Pero giit naman ng enforcer, inangasan daw siya ng basketbolista.

Namagitan naman sa dalawa si MMDA operations supervisor Bong Nebrija at pinagsabihan ang kaniyang enforcer, habang tiniketan naman si Ildefonso.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News