Mahigit P1.2 milyong halaga ng iligal na droga ang nakuha sa isang Grab driver na dumalaw umano sa Pasay City Jail nitong Miyerkules.

Sa ulat ni Julee Anne Mae Cabrera sa Super Radyo dzBB, kinilala ang suspek na si Jonathan Roxas.

 

 


Ayon sa Pasay City Police, bibisitahin sana ng suspek ang pinsan niyang nakakulong pero nakumpiska umano sa kanya ang 40 gramo ng hinihinalang shabu nang kapkapan siya ng mga pulis bilang protocol sa pagdalaw.

Nagkakahalaga ito ng P200,000.

Matapos nito, minabuti na rin ng mga awtoridad na inspeksyunin ang sasakyan ni Roxas.

Doon na nga tumambad ang tatlong pakete ng pinatuyong marijuana at 200 gramo pa ng hinihinalang shabu.

 

 

Bukod sa iligal na droga, nakuha rin sa suspek ang isang baril, weighing scale, at drug paraphernalia.

Nakulong na rin si Roxas noong 2016 dahil sa pagkakasangkot sa droga.—Dona Magsino/ LDF, GMA News