Isang fire volunteer ang nasawi habang tumutulong na apulahin ang sunog sa Barangay Isla Batis sa San Juan City.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si CK Oliver, 25, anyos.

Nasawi ang biktima nang mabagsakan siya ng bahagi ng kisame ng nasusunog na bahay.

Isinugod siya sa ospital pero binawian din ng buhay.

"Masakit. Alaga namin 'yan, sa amin lumaki 'yan," sabi ni Mercedes Pascual, lola ng biktima.

Umabot sa ikatlong alarma ang naturang sunog na nagsimula ng 5 p.m. nitong Martes, at naapula pagkaraan ng may tatlong oras.

Tinatayang aabot naman sa P1.5 milyon ang halaga ng pinsala.

Nakiramay naman ang Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) sa pamilya ni Oliver, at magbibigay din ng tulong.—FRJ, GMA Integrated News