Sumuko na sa awtoridad si Ferdinand Guerrero na kasama sa mga hinatulang guilty ng korte sa kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ni Vhong Navarro.

Ayon kay GMA Integrated News reporter John Consulta, sinabing sumuko si Guerrero sa National Bureau of Investigation (NBI) ngayong Huwebes.

Kasama umano ni Guerrero ang kaniyang abogado nang magtungo sa tanggapan ng NBI sa Quezon City.

Sa sandaling maayos na ang pagproseso kay Guerrero, inaasahan na ililipat na siya sa New Bilibid Prison (NBP), kung saan nakapiit ang mga kapuwa niya akusado na sina Cedric Lee at Simeon Raz.

Nasa Correctional Institution for Women naman sa Mandaluyong City, ang isa pa nilang kasama sa kaso na si Deniece Cornejo

Una rito, naglabas ng hatol ang Taguig Regional Trial Court Branch 153 na guilty ang apat sa kasong serious illegal detention for ransom.

Hinatulan sila na makulong ng reclusion perpetua o hanggang 40 taon sa bilangguan.

Sinabi ni Lee sa nakaraang panayam na iaapela nila ang hatol ng korte.

Nangyari ang sinabing pambubugbog ng mga akusado noong 2014.

Idinepensa noon ng mga akusado na ipinagtanggol lang nila ang kaibigang si Cornejo na ginahasa umano ng aktor.

Pero naglabas ng desisyon ang Korte Suprema para ibasura ang alegasyon laban kay Navarro. --FRJ, GMA Integrated News