Nasapul sa CCTV ang pagnanakaw ng dalawang lalaki sa isang motorsiklo na ilang buwan pa lamang ginagamit ng may-ari sa kaniyang hanapbuhay sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood sa CCTV ang pagdaan ng dalawang lalaki sa Asuncion Street, Barangay 35 pasado alas-singko ng umaga.

Bumalik ang mga lalaki nang wala pang 30 segundo.

Sa isa pang kuha ng CCTV ng kanilang pagbalik, mapapanood na nilagpasan nila ang isang motorsiklo na nakaparada.

Tumigil ang isa sa kanila at binalikan ang motorsiklo samantalang dumiretso naman ang kaniyang kasama.

Sumakay ang lalaking bumalik sa motorsiklo at napatakbo na niya ito ilang saglit lang.

Nang magkita ang dalawa sa kalapit na kalye, dito na sumakay ang naunang lalaki at sa pagkakataong ito, may dala pa siyang helmet.

Ikinagalit ng may-ari ang insidente dahil ginagamit niyang pang-hanapbuhay ang motorsiklo.

Kabibili lamang niya sa motor noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Sinabi ng barangay na ito ang unang pagkakataon na may nangyaring nakawan ng motor sa lugar.

Posibleng taga-roon lang din daw ang mga nagnakaw dahil tila pamilyar ang dalawang salarin sa mga kalye sa lugar.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad para malaman ang pagkakakilanlan ng mga salarin. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News