Patay ang dalawa umanong holdaper sakay ng motorsiklo na nangbiktima ng mag-asawa nang makaengkwentro nila ang mga pulis sa Riverside, Plaza Mexico, Intramuros, Manila madaling-araw nitong Huwebes.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita, sinabing nangyari ang insidente pasado 1 a.m. kung saan nag-aabang noon ang mga biktima ng taxi sa Ayala Boulevard sa panulukan ng Taft Avenue nang hintuan sila ng mga suspek.

"Nagulat na lang kami biglang lumapit sa amin, nakamotor, tinutukan kami ng baril, holdup daw, sabing ganu'n. Siyempre kami sa sobrang takot wala na kaming nagawa, ibinigay na lang namin 'yung bag," sabi ng babaeng biktima.

Matapos nito, humingi sila ng tulong sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagkataong rumoronda sa lugar.

"May nanghihingi ng tulong na na-holdup pala. So bumaba ang tropa natin at agad-agad na tinanong kung sa'n papunta 'yung suspects at kung ano 'yung mga deskripsyon. At dito nga nila na-site sa may bandang papuntang Intramuros 'yung [magkaangkas] na nakasagupa natin," pahayag ni Chief Superintendent Rolando Anduyan.

"Dito nakita nila ang escape route na ligtas sila so, na-chance upon naman na dito talaga kami nakapag-establish ng checkpoint. Prior to this incident nu'ng mga previous days, nagkakausap na kami na may nilalakad sila dito sa aming EOR," pahayag ni Chief Inspector Joselito Ocampo, chief ng District Security Operations Unit (DSOU).  

Duguang bumulagta ang mga holdaper matapos ang engkwentro.

Nakita ng mga biktima ang kanilang wallet na naglalaman ng cellphone at pera nang ipakita sa kanila ang bangkay ng mga suspek.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pagkakakilanlan ng dalawang suspek. —Jamil Santos/LBG, GMA News