Nagsagawa ng Oplan Galugad nitong Sabado ng gabi ang mga pulis at sundalo sa ilang areas of concern na nasasakupan ng Batasan Police Station.

Ito ay bilang paghahanda sa State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.

Sa Barangay Payatas A, pinahinto sa checkpoint ang ilang motorcycle rider pero wala namang nahuling lumabag.

Pinasok din ang mga eskinita at sinita ang mga naabutang nag-iinuman at nagvi-videoke.

May isang lalaki rin na hinuli matapos maabutang walang damit pang-itaas.

Dinala rin sa police station ang ilang lumabag sa ordinansa sa Barangay Commonwealth na karamihan ay nahuling naninigarilyo sa pampublikong lugar.

Ayon kay Quezon City Police District Director Police Chief Superintendent Joselito Esquivel, anim na araw na silang nagsasagawa ng Oplan Galugad sa mga "areas of concern" malapit sa Batasang Pambansa.

"Ang ginagawa natin ngayon ay tinatawag nating area security so kaya tayo naggagalugad in general area within 2.5 kilometers from House of Representatives," ani Esquivel.

Hindi rin daw sila nagpapakampante sa latag ng kanilang seguridad para sa SONA ng Pangulo.

"Andyan naman lagi 'yung threat. Merong mga pwersa na gumagalaw na of course 'yung kalaban ng gobyerno, so hindi naman tayo nagkakampante," dagdag ni Esquivel. 

Pinauwi rin naman ang mga nahuli matapos makuhanan ng impormasyon at ma-verify na walang kaso. —KG, GMA News