Nadakip na ang rape convict na nag-viral noong Diyembre ang larawan matapos na mag-selfie habang nasa likod niya ang ilang pulis sa Laguna. Ang lalaki, wanted din dahil sa pananaksak sa ama ng kaniyang ginahasa.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing pinaghahanap ng mga pulis si Radden Argomido matapos mahatulang guilty ng korte noong 2016 sa kasong panghahalay sa isang babae sa Los Baños, Laguna na naganap noong February 2013.

Nitong nakaraang Enero, pinagsasaksak naman ni Argomindo ang 66-anyos na ama ng kaniyang hinalay.

Bago ang mananaksak, nagawa pa ni Argomindo na mag-selfie noong Disyembre 2017 habang nasa likod niya ang ilang pulis kahit wanted na siya.

Sa press briefing sa National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa Taguig, sampal ang inabot ni Argomido nang makaharap niya ang kaniyang biktima.

Nadakip si Argomido sa construction site sa Barangay Pacita 2 sa San Pedro, Laguna, kung saan siya nagtatrabaho.

Humingi siya ng tawad sa kaniyang mga biktima at maging sa pulisya na mistulang ipinahiya niya sa kaniyang selfie.

Ayon sa ulat, sinabi umano ni Argomido na napagtripan lang niya na kumuha ng larawan habang nasa likod niya ang mga pulis.

Ang naturang larawan din ang naging "lead" ng mga pulis para matukoy ang kaniyang kinaroroonan.

Umamin din umano ito na gumagamit ng iligal na droga.—Maia Tria/FRJ, GMA News