Naubos ang mga inaalagaang buwaya sa isang farm sa West Papua, Indonesia matapos na sumugod ang mga galit na galit na residente para ipaghiganti ang kanilang kalugar na nasawi matapos na atakihin ng buwaya.

Sa ulat ng Reuters, umabot umano  sa 292 buwaya sa isang breeding farm sa Sorong district ang pinagpapatay ng mga residente na sumugod sa lugar na armado ng mga patalim at mga pamalo.

Local residents look at the carcasses of hundreds of crocodiles from a farm after they were killed by angry locals following the death of a man who was killed in a crocodile attack in Sorong regency, West Papua, Indonesia on Saturday, July 14, 2018. Antara Foto/Olha Mulalinda /via Reuters
Local residents look at the carcasses of hundreds of crocodiles from a farm after they were killed by angry locals following the death of a man who was killed in a crocodile attack in Sorong regency, West Papua, Indonesia on Saturday, July 14, 2018. Antara Foto/Olha Mulalinda /via Reuters

Bago ang "masaker" sa mga buwaya, sinabi ng pinuno ng Natural Resources Conservation Agency, na isang 48-anyos na lalaki ang pumasok sa breeding farm at inatake ng buwaya.

Hinihinalang pumasok sa farm ang biktima para manguha ng damo o halaman na ipakakain sa kaniyang alagang hayop.

"An employee heard someone screaming for help, he quickly went there and saw a crocodile attacking someone," ayon sa pahayag ni Basar Manullang.

Matapos na ilibing ang biktima nitong Sabado, doon na isinagawa ng mga residente ang paghihiganti.

Ayon kay Manullang, mayroong lisensiya ang farm na magparami ng protected saltwater at New Guinea crocodiles noong 2013 para sa preservation at pag-ani sa mga hayop.

Ngunit kasama rin sa kondisyon ng lisensiya ay hindi dapat maabala ng mga hayop ang mga residente o ang komunidad.

"To prevent this from happening again, farming license holders need to secure surrounding areas," ani Manullang.

Nakikipag-ugnayan umano ang ahensiya sa pulisya sa isinagawang imbestigasyon.
"Crocodiles are god's creatures that need to be protected too," ayon kay Manullang. — Reuters/FRJ, GMA News