Nagbunga ang ipinakitang dedikasyon ng isang lalaki sa Alabama, USA sa kaniyang unang araw sa trabaho dahil sinuklian ito ng regalong kotse ng kaniyang boss.

Sa ulat ng Reuters, sinabing isang araw bago ang unang araw sa trabaho sa kompanyang lipat-bahay na Bellhops, nasira ang sasakyan ni  Walter Carr, 20-anyos.

Para makapasok at dumating sa tamang oras sa unang araw niya sa trabaho, umalis ng hatinggabi sa kanilang bahay sa Homewood si Carr at naglakbay ng 14 milya o mahigit 22 kilometro patungo sa Pelham.

Hindi umano madali ang mga dinaanan ni Carr patungo sa kanilang kliyente na si Jenny Lamey sa Pelham na lilipat ng bahay.

Pero hindi pa man nakararating sa Pelham, nakita ng mga nagrorondang pulis si Carr dakong 4:00 a.m. Ipinaliwanag ng binata ang dahilan kung bakit naglalakad siya sa naturang alanganing oras.

Naniwala naman sa kaniya ang mga pulis kaya dinala siya sa isang kainan para makapag-almusal bago siya inihatid sa bahay ni Lamey.

Dahil wala pang 8:00 a.m. na oras nang kaniyang trabaho, inalok ni Lamey si Carr na magpahinga muna at hintayin ang mga kasamahan na tutulong sa paglilipat ng kanilang mga gamit.

Gayunman,  magalang na tumanggi si Carr at sinimulan agad ang kaniyang trabaho.

Nagkaroon ng pagkakataon na magkakuwentuhan ang dalawa at nalaman ni Lamey na nawalan ng bahay sina Carr sa New Orleans dahil kay Hurricane Katrina kaya lumipat sila sa Birmingham.

Naantig si Lamey sa kuwento ng buhay ni Carr at sa ipinakita nitong dedikasyon sa trabaho kaya ipinost niya sa kaniyang social account ang araw na nakilala niya ang binata sa unang araw nito sa trabaho.

“I just can’t tell you how touched I was by Walter and his journey. He is humble and kind and cheerful and he had big dreams! He is hardworking and tough,” bahagi ng post ni Lamey sa Facebook.

Dagdag niya, "Yesterday we moved. Yesterday was crazy. Yesterday was long and hard and hot. But...Walter."

Nakarating naman sa CEO ng Bellhops  na si Luke Marklin ang  ginawa ni Carr kaya bumiyahe ito patungong Alabama para personal na ibigay ang kaniyang kotse sa kaniyang bagong trabaho, na naiyak sa tuwa. -- Reuters/FRJ, GMA News