Sa kabila ng kanyang injury, hindi pa rin papaawat si Kapuso star Andrea Torres sa kanyang fitness routine para sa kanyang pagpapa-sexy.

Nitong Huwebes, inianunsyo na sa GMA Network Center na makakasama pa rin si Andrea sa Book 2 ng primetime series na "Alyas Robin Hood," kung saan muli niyang makakatambal si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.

Naibalita kamakailan na nakaranas si Andrea ng mild slipped disk matapos ang araw-araw na intense weight-lifting exercise.

Sa kasalukuyan, nagpapagaling na ang aktres at binago na niya ang kanyang routine.

"Tine-therapy pa... Hindi ko alam kung months pa, pero process talaga siya eh, hindi siya agad-agad nawawala."

"Kasi naka-experience ako ng kakaibang pain. 'Di ba after workout may pain naman talaga, pero ito, parang na-feel ko, talagang iba."

Sinabi ni Andrea na dinadagdagan niya ngayon ang kanyang cardio workout.

"Opo binago ko na po. Dati kasi hindi ako nagka-cardio masyado, hindi ako nagla-light weights kasi gusto ko 'yung mabigat pero konti, kesa sa magaan tapos marami. Pero ngayon, kinailangan kong mag-adjust 'dun sa magaan na marami."

"Tsaka more cardio tapos nag-boxing na lang ako at Muay Thai. Although 'yung boxing and Muay Thai, dahil sa 'Alyas' naman talaga iyon. Before pa ng injury ko, nag-enroll na ako for that," anang aktres.

Nangangahulugan lamang daw nito na magte-taping pa rin siya para sa "Alyas Robinhood 2" habang sumasailalim sa therapy.

Kaabang-abang naman ang mga fight scenes na gagawin ni Andrea at ng iba pang cast para sa serye. —Jamil Santos/ALG/AT, GMA News