Sa pagsagot niya sa mga tanong na "Regine's 30 Firsts" sa "Tonight with Arnold Clavio," binalikan ng Asia's Songbird na si Regine Velasquez ang pagsisimula niya sa showbiz.

Pagtatapat ni Regine, ang aktor na si Richard Gomez ang kaniyang first celebrity crush.

"Kilig na kilig ako kasi ang pogi," pahayag ng mang-aawit.

Ang asawa naman niyang si Ogie Alcasid ang kaniya raw second and third crush.

Samantala, kay Aga Mulach naman daw niya naranasan ang tunay na halik sa pelikula.

"Yung first kiss na kiss talaga, si Aga Muhlach," saad niya.

Pagbabalik-tanaw pa ni Regine, ang kantang "Bakit Ako Mahihiya?" ang ginamit niya sa sinalihan niyang contest.

Kuwento ng TV host, singer at actress,  una siyang nakatanggap ng P300 talent fee bilang singer kapalit ng tatlong set sa isang restaurant.

Ibinigay daw ang naturang kita sa kaniyang nanay para matustusan ang kanilang pangangailangan.

Sinabi pa ni Regine, na paborito niyang kanta ang "Kailangan Kita" na isinulat ng kaniyang mister.

Panoorin ang iba pang tanong kay Regine na magdiriwang ng kaniyang ika-30 taon sa showbiz:

Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News