Dahil "The One That Got Away" ang titulo ng bagong GMA rom-com soap na pagbibidahan ni Kapuso Drama King Dennis Trillo, inihayag niya ang isang babae sa kaniyang buhay na ayaw niyang makawala. Sino kaya ito? Alamin.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, nagkuwento si Dennis tungkol sa kaniyang love life na masaya raw ang kalagayan ngayon.

"Siguro 'yung ngayon ayokong mawala. Siyempre dahil masaya ako ngayon, and feeling ko marami pa kaming pagsasamahan. Kahit papaano matagal na 'yung pinagsamahan namin kaya siguro naging ganu'n ka-komportable na kami sa isa't isa," pahayag ng aktor.

Wala mang pormal na kumpirmasyon, madalas at laging kasama ng aktor kahit sa mga pamamasyal ang Kapuso Ultimate Star na si Jennylyn Mercado.


Ang "The One That Got Away," ay kuwento ng isang lalaki at tatlong babae na naging girlfriend niya na magiging best friends.

Kumpara sa nakaraan niyang fantaserye na "Mulawin vs Ravena" na wala siyang ka-love team, magiging tatlo ang ka-love team ni Dennis sa "The One That Got Away."

Ang tatlong babae ay gagampanan nina Lovi Poe, Max Collins, at Rhian Ramos.

Sa press conference nitong Miyerkules kung saan ipinaalam na kung sino ang mga aktor na kasama sa "The One That Got Away," sinabi ni Dennis na "at peace" naman siya sa mga nakaraan niyang karelasyon.

"Yun siguro ang pinaka-ideal na gusto mong mangyari. Pero bawat relationship meron 'yang mga nangyari na minsan hindi maiiwasan na hindi maayos, minsan naghihiwalay na okay. Pero sa experience ko, meron akong exes na kahit paano at peace ako sa kanila at friends pa rin kami," aniya.

Patuloy ni Dennis, "Feeling ko mas maganda yung ganun para... siyempre kahit paano may mga pinagsamahan kayo and sana yung mga pinagsamahan na ito, dun kayo magiging magkaibigan."

Ayon kay Dennis, magiging hamon sa kaniya ang bago niyang proyekto.

"'Yun 'yung challenge ko, hindi lang isa 'yung magiging leading lady ko dito kundi tatlo kaya excited ako na makatrabaho silang tatlo, first time kami na magkakasama sa isang TV series," saad ng aktor.

Handa raw si Dennis na ibahin ang kanyang look para sa serye.

"Kailangan siyempre sobrang desirable dahil tatlong leading ladies, tatlong ex ko 'yung hindi ako makalimutan so kailangan mag-extra effort ako para hindi talaga nila ko makalimutan. Siguro 'yung mas clean cut, debonaire type leading man," paliwanag niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News