Hindi itinanggi ng "Bubble Gang" member na si Myka Flores na naging crush niya at sinulatan pa ang dating kasamahan sa gag show na si Wendell Ramos. Ano nga ba ang nagustuhan niya sa aktor? Alamin ang kaniyang pag-amin sa programang "Tonight With Arnold Clavio."

Sa segment na "Sino?," inamin ni Myka ang pagkakaroon niya ng crush kay Wendell. Ibinahagi rin ng komedyante na sinulatan pa niya noon ang aktor para ihayag ang kaniyang paghanga rito at hiling na hindi sana ito magbago sa magandang ugali.

"Sa totoo lang crush ko si Wendell. Tapos, dumating 'yung point na sinulatan ko talaga siya," ayon kay Myka, o Marissa Flores sa tunay na buhay.

"Sinabi ko lang na 'Wendell, may sasabihin ako sa 'yo pero sana 'wag kang magbabago. Sinabi ko talaga sa kaniya 'yon, at huwag lalaki ang kaniyang ulo," dagdag niya.

Sinabi rin ni Myka na ang pagiging mabait ang isa sa mga dahilan kaya hinangaan niya si Wendell.

"Mabait, hindi siya 'yung tipong mayabang. Noong pinaoood ko pa lang 'yung Bubble Gang, siya 'yung idol ko talaga," kuwento pa niya.

Panoorin at alamin ang iba pang rebelasyon ng mga kasamang guest ni Myka sa "TWAC" na si Wilma Doesnt, Dax Martin at Terry Gian:


-- FRJ, GMA News