Maliban sa pag-aartista, sinusubukan din ng ilang Kapuso star ang iba't-ibang venture tulad ng pagpasok sa food business kung saan matitikman ang mga katakam-takam ang specialty ng kanilang mga restaurant.

Sa programang "Good News," ipinakita ang restaurant ni Carla Abellana na Holy Smokes sa Makati City na ang specialty ay iba't-ibang klase ng smoked meats.

Ayon kay Carla, dinayo pa ng kaniyang brother-in-law na chef at pinsan na businessman ang sikat na barbecue festival sa Texas para pag-aralan ang pagluluto ng masasarap na karne.

Upang mas mapasarap ang kanilang meat, chicken at beef, ginagamit nila ang mga kahoy ng Santol at Kaimito bilang panggatong dahil nagdadagdag daw ito ng kakaibang flavor sa mga inihaw.

Sa Mindanao Avenue, Quezon City naman, co-owner sina Kapuso host and actress Camille Prats at kaniyang asawang si VJ Yambao ng isang Japanese restaurant na Asakusa, na makikita sa isang kabubukas pa lang na mall.

Tampok sa restaurant ang specialty nila na tempura. Tiyak daw na mapapasarap ang kain ng mga customer dahil 70 percent ng mga sangkap ay nanggaling pa sa Japan.

Best-seller ng restaurant ang Salmon salad, Chicken Karaage at Teriyaki, at Salmon Teriyaki, na paborito ni Camille.

May-ari naman ang sexy comedienne Jen Rosendahl ng isang burger restaurant sa Sgt. Esguerra Ave, Quezon City na Charlie's Bar and Grill.

Best seller sa restaurant na ito ang Wagyu cheeseburger with Shrooms. May kasama na itong lettuce, tomato, cheese, Japanese mayo at Russian dressing.

Mabenta rin ang kanilang half-dozen na wings na binalot sa blue cheese na may sawsawang hot sauce, at bago pa sa kanilang menu ang mga rice meals.-- FRJ, GMA News