Dinagsa ng fans ang mall show ni "Kambal, Karibal" star Kyline Alcantara  sa San Fernando, Pampanga nitong weekend. Sa dami nga ng tao, sa escalator na nagtanghal ang Kapuso young actress.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing hindi na kinaya ng marshalls ang dami ng dumagsa sa mall at pati ang stage, napuno na ng tao.

Pero kahit wala nang malugaran si Kyline, siya na ang humiling na sa escalator na lang siya magpe-perform para mapagbigyan ang kaniyang fans.

"Nag-effort po du'n 'yung mga tao and andu'n, masikip na sila du'n eh. So parang sabi ko, puwedeng sa escalator na lang tayo mag-perform kahit like two to three songs lang or one song lang," kuwento ng dalaga.

Sa pangatlong kanta ni Kyline, hindi na rin mapigilan ang mga tao at may mga nawalay ng malay dahil na rin sa siksikan.

Pero kahit natapos na si Kyline sa kaniyang pagkanta, pinili pa rin ng aktres na huwag munang umalis ng mall hanggat hindi niya natitiyak na maayos ang kalagayan ng mga hinimatay.

"Nakikita mo po talaga 'yung pagsu-sway ng audience na ganyan sa sobrang sikip and naaawa po ako siyempre sa kanila," saad niya.

Ang nakukuhang suporta at pagmamahal umano ng fans ang dahilan kaya lalo pa raw pinagbubutihan ni Kyline ang kaniyang trabaho lalo na sa seryeng "Kambal, Karibal."

At dahil nagpapalit-palit siya ng karakter at mga kasuotan, hindi maiwasan ng ilan niyang kasamahan sa trabaho na mag-alala na baka napapagod siya.

"Lahat sila sinasabi nila sa 'kin na parang, 'napapagod ka na ba?' Sabi ko, hindi ako napapagod kasi ito 'yung trabaho ko. Nae-enjoy ko pa talaga siya," ayon kay Kyline. -- FRJ, GMA News