Ngayong magtatatlong-taong-gulang na si Zia, sinabi ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera na sinusubukan na nila ng kaniyang mister na si Primetime King Dingdong Dantes na magkaroon ng baby number 2.

 

 

"Hindi ko dine-deny na trying naman talaga kami. Sabi ko nga, since na nag-two years old na si Zia, itong mga [panahong] ito eh trying. Siguro good enough na 'yung distance nila o space nila para puwede na uli kasi magti-three years old na si Zia eh," sabi ni Marian sa press conference para sa anniversary episode ng "Tadhana" na ginanap nitong Martes.

Gayunman, batid ni Marian na wala sa kanila ni Dingdong ang pasya kung kailan matutupad ang plano nila na magkaroon ng bagong baby.

"Ang pagkakaroon ng anak ay isang malaking biyaya 'yan na hindi mo puwedeng pigilan. At siyempre cue ni Lord 'yan kung kailan Niya ibibigay sa'yo," saad ng aktres.

Nitong nakaraang paggunita ng Father's Day, nagbakasyon sa El Nido, Palawan pamilya Dantes, na inilarawan ni Marian na "masaya at puro pag-ibig."

May mga nakapansin sa pagiging sweet ng mag-asawa kasama si Zia, at naging viral pa ang kanilang Instagram posts.

"Ganoon naman kami sa loob at labas ng bahay eh. Parang, ano pa ba hihilingin mo na ako na nandiyan si Dong, tapos bibigyan kami ng pagkakataon na may bakasyon kaming gano'n na kahit konting panahon lang eh nakakapag-bonding kaming tatlo. So importante talaga sa amin 'yon," aniya.

Ngayong lumalaki na si Zia, sinabi ni Marian na mas na-a-appreciate na ng kaniyang anak ang kanilang mga bakasyon.

"Dati bata pa [siya] hindi na-a-appreciate. Ngayon, nakakatuwa kasi minsan pagod na kami ni Dong sa kaka-swimming, siya talaga, ayaw niyang umahon, 'No I want to swim pa.' So nagsu-swim pa siya, no choice si Dong, si Dong kasama niya," kuwento ng aktres.

Magkasamang nagtrabaho para sa anniversary special ng "Tadhana" sina Marian at Dingdong. Si Marian, bilang aktres, at direktor naman si Dingdong.

Pero ipinaliwanag ng aktres, na hindi pa rin sila tatanggap ng kaniyang mister ng serye na magkasabay para may maiiwang kasama si Zia.

"Siguro ganiyan lang, paisa-isa, dalawang araw na taping. Pero soap opera for three to four months, ako mismo aayaw talaga ako. Kasi can you imagine, parehas kaming nasa trabaho, tapos 'yung anak ko maiiwan although nandu'n naman si mama ko or mama ni Dong. Pero still iba pa rin kasi 'yung may magulang na nandu'n sa anak nila," paliwanag niya.

Mapapanood ang special episode ng "Tadhana" kung saan gaganap si Marian sa isang kuwento ng OFW sa darating na Sabado. -- FRJ, GMA News