Ilang araw pa lamang ang nakalilipas, umabot agad ng mahigit 11,000 subscribers ang bagong YouTube channel ni Kapuso star Barbie Forteza.

At mga tampok ng aktres, ang kaniyang hilig sa makeup.

Sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa Balitanghali nitong Huwebes, ipinakita ni Barbie sa una niyang video kung anu-ano ang laman ng kaniyang makeup bag.

"Mahilig ako sa makeup. Mahilig akong manood ng mga makeup tutorials since part naman siya ng everyday job ko. Kailangan ko naman talagang mag-ayos everyday," sabi ni Barbie.

Ayon sa aktres, pinaka-importante sa kaniya ang sunscreen. Madalas sa kotse na nag-aayos si Barbie kaya sa sumunod niyang video, ini-post niya ang kaniyang go-to-look.

"Minsan maaga 'yung pullout tapos hapon pa naman 'yung show. Hindi naman ako bibong-bibo na alas-siyete ng umaga made up na."

Mahalaga naman ang baby or facial wipes para panglinis ng mukha. Keep it simple ang tip ni Happylou.

"More on ine-emphasize ko lang 'yung features ko. Hindi ako nagpo-falsies, hindi ako nag-a-eye liner. 'Yung kilay, konting brown sa mata tapos mascara, tapos contour, kailangan ko 'yan. Blush, konting highlights tapos lipstick."

Sa susunod, magpo-post pa siya ng iba pang makeup tutorials.

"Full on glam. 'Yung usually ginagawa ko sa Sunday PinaSaya, glitters talaga tapos highlights. 'Yung nighttime look, 'yung sobrang smoky. Alam kong hindi bagay sa akin 'yon pero sa ngalan ng makeup, gagawin ko," sabi ni Barbie.

May paalala rin si Barbie na burahin ang makeup bago matulog para mapanatili ang fresh-looking face.

"Mild soap na lang para hindi rin masyadong pumapasok sa pores mo. Tapos toner and then moisturizer. Lips scrub para 'yung mga lipsticks matanggal talaga lahat," anang aktres. —Jamil Santos/JST, GMA News