Arestado ang isang dating sexy star at ang kaniyang live-in partner matapos silang mahulihan umano ng droga sa San Fernando, Pampanga.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, kinilala ang inarestong dating starlet na si Michelle Comstock, na kilala sa showbiz bilang si Brigette de Joya.

Dinakip din ang kaniyang kinakasama na si Marciano Tamacam alyas Bong Gueverra.

Ayon sa ulat, inaresto ng mga awtoridad ang dalawa sa bisa ng search warrant nang salakayin ang inuupahan nilang bahay sa Pampanga.

Walong pakete na may laman na hinihinalang shabu ang nakuha umano sa dalawa. May nakita ring dalawang plastic bottle na posibleng droga rin daw ang laman at mga drug paraphernalia.

Sinabi ng pulisya, dati nang nasa drugs watchlist si De Joya at supplier din umano ng droga sa kaniyang mga ka-barangay.

Hindi na nagbigay ng pahayag si De Joya, na kabilang sa mga ginawang pelikula noon ang "Gigil" at "Kangkong." --FRJ, GMA News