Ipinakita na ang costume ni Alden Richards sa kaniyang bagong action-fantasy series na "Victor Magtanggol."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita si Alden na may maskara sa kaniyang costume at hawak na "hammer."

Itinuturing ni Alden na dream come true ang kaniyang karakter sa "Victor Magtanggol."

"Alam naman ng karamihan na super fan ako ni Iron man so 'yung mga secret dreams ko before was to play a superhero role," anang aktor.

Sabi pa niya, kakaibang excitement ang naramdaman niya nang isuot niya ang costume. Dagdag pa niya, komportable siyang nakakagalaw kahit sa fight scenes.

Pero hindi raw biro ang naging proseso ng pagbuo ng kaniyang costume mula sa pagsusuot ng body cast.

Ipinagmamalaki rin niya na gawang Pinoy ang kaniyang costume.-- FRJ, GMA News