Nakapagtapos na with flying colors sa Northumbria University sa Singapore si Jake Ejercito para sa kaniyang Master's Degree in Marketing.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing present sa graduation ni Jake ang kaniyang mga magulang na sina Manila Mayor Joseph Estrada at dating aktres na si Laarni Enriquez.

Nandoon din ang kaniyang mga kapatid at anak nila ni Andi Eigenmann na si Ellie.

Ayon kay Andi, kahit hiwalay na sila ni Jake, maayos naman ang relasyon nila bilang mga magulang ni Ellie.

"Jake and I are a good team. Parang we're not a good couple pero as a partner as co-parents, feeling ko sobrang unconsciously sobrang it's working so well for us," sabi ng aktres.

Dahil kasama ni Jake si Ellie sa graduation day sa Singapore, hindi nakasama ni Andi sa kaniyang kaarawan nitong June 25 ang kaniyang anak.

Ang ina ni Andi na si Jaclyn Jose, pinuri ang anak dahil sa pagpaparaya nito upang makasama ni Jake si Ellie sa graduation day.

Sa isang Instagram post, inihayag ni Jaclyn, na sinabi sa kaniya ni Andi na naintindihan niya na minsan lang ang graduation ni Jake kaya pumayag na siyang magkasama ang mag-ama.-- FRJ, GMA News