Dinakip ng mga awtoridad sa Mandaluyong City ang celebrity doctor na si Joel Mendez dahil sa reklamong panggagahasa at tangkang panggagahasa.

Ayon sa Eastern Police District (EPD), dinakip si Mendez sa basement parking lot ng BSA Twin Towers sa Mandaluyong City nitong Huwebes ng gabi.

Nilagdaan ni Judge Imelda Saulog ng Mandaluyong Regional Trial Court Branch 214 ang warrant of arrest laban kay Mendez.

Ilang buwan umanong minanmanan ng mga awtoridad si Mendez bago naaresto at dinala sa Mandaluyong police station.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabing ang warrant ay mula sa kasong isinampa laban kay Mendez noong 2016.

Sa August 15 umano babasahan ng sakdal sa Mendez, na pansamantalang nakalaya matapos maglagak ng piyansa.

Sinusubukan pang kunin ng GMA News ang panig ni Mendez.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News