Maagang nagtutungo sa trabaho at kadalasang late na kung matapos ang taping ng mga artista. Kaya kapag may libreng oras tulad ng day off, sinusulit nila ito para makapag-relax at magawa ang kanilang mga hobby.

Sa Star Bites report sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, ibinahagi ni Phenomenal Star Maine Mendoza,  na mahilig siyang magpa-spa 'pag may free time at mag-shopping.

"Retail therapy shopping parang reward ko na rin sa sarili ko in a way sa trabaho ko everyday," saad niya.

Si Gabbi Garcia naman, naglalaan ng quality time sa pamilya at madalas daw na bike ride o scubadiving ang bonding time nila ng kaniyang ama.

"I balance my time with my family and friends, and mayroon din akong alone time which is going to the gym, nahihiligan ko rin ang boxing," ayon sa aktres.

Ang aktor na si Jak Roberto, na leading man sa Kapuso series na "Contessa," nakakahiligan daw ngayon ang pagmo-motorsiklo.

Ang bagong Kapuso na si Jasmine Curtis Smith, mas trip daw na sa bahay lang kapag walang showbiz commitment.

"Tambay ako sa bahay, nanonood ng mga  pelikula at tv series.  Mahilig din akong makipaglambingan sa aso ko," masaya niyang kuwento.

Ang sexy Kapuso na si Kim Domingo,  mas gusto na ipinagluluto ang kaniyang mga mahal sa buhay tulad ng paborito niyang adobo at carbonara.

"Masaya ako na sine-serve ko sa mahal ko sa buhay. Tapos bonus na nasarapan sila sa luto ko," saad niya. --FRJ, GMA News