Bago nila nakamit ang tinatamasang tagumpay sa showbiz, dumaan muna sila sa mga pagsubok at hindi isinuko ang kanilang pangarap.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ikinuwento ni Andrea Torres na naging laman muna ng mga audition ang beteranang commercial model bago tuluyang nakapasok sa pag-aartista.

Biro niya, namanhid na siya sa dami ng rejection na natanggap.

"'Yung pressure na habang hinihintay ko 'yung results. Minsan ang dami ninyo biglang pakaunti nang pakaunti," ani Andrea na bibida sa bagong Kapuso primetime series na "Victor Magtanggol."

"Grabe rin 'yung ituturo na values nun sa iyo kung gaano mo panghahawakan 'yung dreams mo," dagdag niya.

Samantala, 11-anyos daw si Dennis Trillo nang maging commercial model din. Na-discover daw siya habang namamasyal sa mall.

Pero hindi raw lahat ng bagay ay madadaan sa good looks.

"Ilo-launch kayo 20 plus kayong artista tapos kailangan mong mag-standout o mapansin, 'yon'yung challenge sa iyo doon," pahayag niya.

Ang isa sa mga Kapuso sexy star na si Kim Domingo, bago pa man daw napasama bilang "money girl" sa programa noon ni Willie Revillame, ilang beses naging extra sa tv shows at dinadaanan lang ng camera.

"Dadaan lang ako [ng camera], sales lady mga ganoon ang role ko," natatawa niyang balik-tanaw.

"Naranasan ko 'yon dati tapos kakain ka sa labas, talagang walang puwesto yung mga talent," dagdag niya.

Ang kinikilala ngayong comedy genius na si Michael V, unang showbiz exposure ang pagsali sa isang pa-contest na kantahan sa "Eat Bulaga" at hindi pa sila nanalo.

Pero napansin siya at nagkaroon ng break dahil sa isang sketch presentation na ginawa niya nang libre magkaroon lang ng "exposure" o makita lang sa camera.

"Mayroon silang segment noon parang sketch ang presentation pero trivia contest, so ginawa ko 'yun extra curricular walang bayad. Sige gawin lang natin,gusto ko lang nang exposure. Iyon luckily napansin," pagbahagi ni Michael V.

Ang kanilang kuwento, patunay na kapag may tiyaga, may nilaga.-- FRJ, GMA News