Gaya ng kaniyang sinabi noon na gagawin niya ang lahat para sa ikagaganda ng seryeng "Inday Will Always Love You," nilabanan ni Barbie Forteza ang kaniyang takot para makalangoy kasama ang mga butanding sa Cebu.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ang eksena ay isasama si Happy Lou [Barbie] nang nagbabait-baitang si Sunshine [Ayra Mariano] para makakita ng mga butanding sa Oslob, Cebu pero sa huli ay iiwanan siya.

Pag-amin ni Barbie, kahit gentle giant ang mga butanding, abot-abot pa rin ang nerbiyos ni Barbie.

"Sa totoo lang kasi talagang, hindi naman ako mapag-explore talagang tao. So aaminin ko na takot ako sa mga butanding," saad niya.

Kabaliktaran naman daw ang naramdaman ni Barbie nang lumangoy siya kasama ng maliliit na isdang sardines.

"Yun 'yung na-enjoy ko talaga. Malaki kasi 'yung butanding,  'yung sardines kahit madami sila, maliliit lang. At saka ano, ang ku-cute nila sa ilalim," masaya niyang kuwento.

Mas nag-enjoy raw si Barbie sa pagbabalik nila sa Cebu kasama ang co-stars niyang sina Derrick Monasterio, Manilyn Reynes, Juancho Trivino, Ricky Davao, Gladys Reyes at Nova Villa.

Dapat daw abangan ang marami pang magagandang mangyayari sa istorya at rebelasyon sa "IWALY." -- FRJ, GMA News