Maliban sa istorya at mga maaksyong eksena, dapat din umanong abangan ang level-up na visual effects na gagamitin sa Kapuso primetime series na "Victor Magtanggol," na pagbibidahan ni Alden Richards.

Sa Chika Minute report  ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinagmamalaki ni Alden ang visual effects ng serye na inilapat ng GMA Post Production team.

"Parang two levels higher than 'yung mga nakikita ko. This is something to look forward to," sabi ni Alden na gaganap sa karakter na si Victor.

Bago ang paglapat ng visual effects, nagsimula muna ito sa drawings ng concept artist na si Edrian Baydo, na siya ring nagdisenyo ng mga costume nina Loki, Thor at Victor.

Ipinakita ni Edrian ang kaniyang illustrations tulad ng war hammer o mjolnir ni Thor, na isa sa mga pangunahing sandata ni Victor.

"We tried to make it look na as close du'n sa icon du'n sa norse icon ng mjolnir," kuwento niya. "Du'n sa silhouette niya kung titingnan mo I borrowed 'yung shape design ng Viking battle axe."

Si Edrian din ang nagdisenyo ng airship o sasakyan ni Loki.

"Basis pa rin namin 'yung Viking age na battle armor tapos incorporate lang din 'yung Filipino elements," patuloy niya.

Ang sketches ni Edrian pati na ang mga eksenang sinu-shoot sa chroma o green screen, nilalapatan naman ng computer generated imagery o CGI ng GMA Post Production.

"Maganda kasi 'yung from the initial design pa lang nu'ng lead designer natin. So tina-try namin talaga na maging faithful dun sa design," ayon kay Cathy Frayco, visual effects supervisor, GMA Post Production.

Gagamit din umano sa unang pagkakataon ng motion capture technology na una ring mapapanood on Philippine tv.

"From the actor and then ika-capture 'yung motion niya then i-interpret siya into CGI," paliwanag ni Cathy.

Isa raw sa mga highlight ng "Victor Magtanggol" na dapat abangan ang transformation ni Victor na mula sa pagigitang mortal na tao ay magiging Victor na superhero.-- FRJ, GMA News