Sa pagbisita niya sa programang "Mars," naitanong kay Gelli de Belen ang nangyaring insidente noon nang ibato at apak-apakan niya ang record album ng mister niyang si Ariel Rivera hanggang sa masira.

Nangyari umano ang insidente noong 90's pa habang nasa loob siya nang sasakyan.

"Kasi ganito, nabuking ko noong araw na may something [si Ariel]. Matutuwa ba ako 'pag nakita ko yung album 'di ba?," natatawa niyang pagbabahagi.

"'Di ko lang siya [CD] ibinato, inapakan ko pa para sigurado," patuloy na kuwento ng aktres.

Nang magkadurog-durog na ang CD, muli raw niyang pinagsama-sama ang mga ito at saka ipinadala kay Ariel kasama ang iba pang gamit ng mister.

Idinagdag pa ni Gelli na may poster din ang mister niya na pinunit niya at binuo para ipadala rin sa sa kaniyang asawa.

Dahil sa naturang tanong, naalala ni Gelli na hindi pa niya naitatanong kay Ariel kung ano ang naging reaksyon nito sa ginawa niyang pagsira sa album.

Kasabay nito, ikinuwento rin ni Gelli kung papaano siya biruin ng kaniyang mga anak sa pamamagitan ng paghahanap sa Google ng kaniyang mga lumang larawan at video.

Panoorin ang masaya nilang kuwentuhan sa "Mars" sa video na ito:


 

Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment

--FRJ, GMA News