Nilinaw ng mister ni Anne Curtis na si celebrity chef Erwan heussaff na wala na siyang kinalaman sa kontrobersiyal na "Buhay Carinderia" project ng Department of Tourism.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras"nitong Miyerkoles, sinabing muling napag-usapan ang naturang proyekto sa ginanap na pagdinig ng Senado nitong Martes.

Ang "Buhay Carinderia" ay ang isa sa kinukuwestiyong proyekto sa ilalim ng Tourism Promotions Board na dating pinamumunuan ng aktor na si Cesar Montano.

Nabigyan umano ng mahigit P300 milyong budget na sinasabing hindi dumaan sa regular na proseso ng bidding.

Si Erwan dapat ang content creator ng proyekto kaya hindi naiwasan na madawit din ang kaniyang pangalan at madamay din sa mga puna.

Sa isang panayam sa bagong kalihim ng DOT na si Bernadette Romulo-Puyat, sinabi nito na isasauli raw ni Erwan ang talent fee na nakuha niya mula sa proyekto.

Ayon naman kay Erwan, "I'm completely out of the picture there. And you know it didn't happen for me."

Sinabi pa niya na gumagawa na rin siya ng sarili niyang "content" sa kanilang blog kung saan ipinakikita niya ang mga lokal na lutuin.

"I basically started producing my own content and I have nothing to do with it," saad niya at sinabing nag-move on na siya sa naturang usapin. -- FRJ, GMA News