Matapos makipaghiwalay sa kaniyang asawa na si Eric Villarama, inihayag ni celebrity mom at chef na si Donita Rose na naghihilom na ang sugat sa kaniyang puso.

Sa press conference ng kaniyang Heart Mate Kitchen Season 2 nitong Miyerkoles, inilahad ni Donita ang criteria sa pagpili niya ng lalaki kung sakali.

"That's the most important thing to me... about God. Kasi maraming puwedeng mapag-usapan if that person is so close to God."

"Mahilig kumain. Mahilig mag-exercise para balanse. Kailangan funny 'yung tao. I love to have conversations with people. Sa bahay namin sobra namin daldal. Si ate, si JP, hindi 'yan tumitigil. And I don't want somebody who is quiet. I want somebody who can also, like you know..." dagdag pa ng aktres.

Si JP ay ang binatilyong anak nina Donita at Eric.

Dahil dito, naitanong din kung ano ang masasabi ng kaniyang anak na si JP sa posibilidad na mag-asawa uli siya.

"He doesn't believe that I will ever fall in love again... as in wala akong tinitingnan na iba, siya lang talaga ang focus ko," ayon kay Donita.

Matapos ang kanilang hiwalayan, nagdesisyon noon sila Donita at Eric na mag-co-parenting kay JP.

Wala na raw natitirang galit sa kaniyang puso at magkaibigan na sila ng kaniyang dating mister.

Tumagal ng 12 taon ang pagsasama nina Donita at Eric at na-finalize ang kanilang diborsyo noong nakaraang taon.-- FRJ, GMA News