Ipinagtanggol ni Concert Comedy Queen AiAi delas Alas ang kaniyang sarili sa mga basher na kumukuwestiyon sa kaniyang pagiging judge sa GMA singing competition na "The Clash." Todo rin ang depensa sa kaniya ng kapwa-hurado na si Lani Misalucha.

"Modesty aside, marami na rin po akong na-contribute sa industriyang ito. Hindi lang sa pagkanta, hindi lang sa pelikula. Nakilala niyo din naman po ako so I think yun namang maliit kong pangalan eh may karapatan din naman po akong mag-judge," sabi ni AiAi sa Tonight With Arnold Clavio.

"Kaya don't judge me kasi hindi po kayo judge. Ako ang judge kaya ako ang may karapatang i-judge kayo! Che! Andami niyong alam," pabirong dagdag ni AiAi.

Paliwanag ni actress-singer, marunong din siyang tumingin ng mga contestants na magaling ang performance.

"Ako, sa performance talaga ako. Yung kailangan ipakita mo sa akin na 'Talagang nandito ako para lumaban.' Hindi yung pakanta kanta ka lang na walang kabuhay-buhay. Hindi dapat yung ganun."

Dinipensahan din si AiAi ng kaniyang kapwa "The Clash" judge na si Lani Misalucha.

"Alam mo mapasok ko lang ito no, marami din kaming nakikitang mga comments, 'Ano ang ginagawa ni AiAi as a judge. Bakit siya nandoon?,'" saad niya.

"Sa totoo lang, hindi porke ikaw ay hindi singer o wala kang involvement sa music, hindi 'yon basehan para hindi ka maging judge. Ang asawa ko hindi singer at all, he's an engineer. Pero alam niya kung sino ang magaling at hindi. At napakatalas ng tenga niyan," paliwanag ni Asia's Nightingale.

Idiniin ni Lani na si AiAi ay isa ring talent manager.

"Gusto ko lang malaman nilang lahat. Talent scout po ito at talent manager. Mahusay ang tenga nito at pakiramdam nito at mata nito para sa isang performer."

Panoorin ang "The Clash" judges sa video na ito.



-- FRJ, GMA News