Unti-unti nang natutupad ang pangarap ng 16-anyos na anak nina Sunshine Cruz at Cesar Montano na si Angelina Cruz, na maging singer matapos ilunsad ang kaniyang self-titled debut EP (extended play).

Inilabas kamakailan ang debut single ni Angelina na “Sumilong Ka” sa ilalim ng Universal Records, na nagkaroon ng mahigit 1.6 milyong streams sa Spotify.

 

 

Tinangkilik din ang kaniyang rendition ng “Hanggang Kailan (Umuwi Ka Na Baby)” ng Orange and Lemons na nagkaroon naman ng 2.3 milyong streams.

Binubuo ang kaniyang self-titled EP ng iba pang original tracks gaya ng: “Kaya Mo Ba?”, "Paraiso", "The Boy I Used To Know", "The Best of You", at "The Best of You (Acoustic)."

"I feel exhilarated and really over the moon to be able to have this thing. It's so exciting," sabi ni Angelina sa press launch nitong Biyernes sa Quezon City.

Inilarawan din ni Angelina na "roller coaster ride" ang paggawa ng kaniyang EP.

"It's really been a roller coaster ride, really. It's been really exciting to get to learn new things. I get to learn new things every day whenever I record, whenever I've been guided," saad niya.

Full support naman sa kaniya ang kaniyang ina na si Sunshine na dumalo rin sa naturang press launch.

 

 

"Lagi ko ngang nilalagay sa Instagram ko #Proudmommy, not just sa kaniya kundi pati du'n sa dalawa, kay Sam at kay Chesca," sabi ni Sunshine, na napapanood ngayon sa Kapuso series na "Kapag Nahati Ang Puso."

Payo naman ni Sunshine sa kaniyang anak, ''Yung practice naman, talagang kung pinasok mo ang isang bagay like recording as a singer, you should practice non-stop. Hindi ka titigil."

Kilala na mahusay rin sa pag-awit ang ina ni Angelina na si Sunshine, maging ang kaniyang mga tita na sina Donna at Sheryl Cruz.

"I really want to make a name for myself and set my own path. Write new songs, write my own songs, and explore different genres of music," pahayag ng dalaga. -- FRJ, GMA News